Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico
“AYAW lumapit ng aso ko kapag
tinatawag ko ito.” “Tahol nang tahol ang aso ko kaya nagrereklamo na ang
mga kapitbahay.” “Laging dumadamba sa akin at sa aking mga bisita ang
aking aso.” Sa lahat ng gayong kaso, ang nayayamot na mga nag-aalaga ng
hayop ay nagtatanong, “Ano ang gagawin ko?”
Marahil ang sagot ay bigyan ng kinakailangang pagsasanay sa pagsunod ang iyong aso —turuan
itong tumugon sa simpleng mga utos. Siyempre pa, pinakamabuting
magsimula habang tuta pa ito. Subalit maaaring matuto kahit ang mas
matatandang aso. Si Marcos, isang propesyonal na tagapagsanay ng aso sa
Mexico, ay nagsabi: “Ang pinakabatang edad ng aso na tinatanggap namin
para sanayin ay apat na buwan, at ang pinakamatanda naman ay limang
taon. Pero nasubukan ko nang turuan ng kinakailangang pagsunod ang mga
asong sampung taon pa nga ang edad.”
Matatalino ang mga aso. Sinasanay ang
mga ito na humanap ng mga droga at bomba sa pamamagitan ng pag-amoy,
tumulong sa mga may kapansanan, at makibahagi sa mga misyon sa
paghahanap at pagliligtas ng mga tao. Ngunit paano mo masasanay ang
iyong aso na sumunod sa iyo?
Henetikong Kayarian
Una, kailangan mong alamin ang
henetikong kayarian ng iyong aso. Tulad ng mga lobo, may herarkiyang
sinusunod ang mga aso. Likas na nais ng mga ito na mamuhay kasama ng
isang kawan na may isang lider, o nangungunang aso. Ang iyong pamilya
ang itinuturing ng iyong aso na kawan na kinabibilangan niya, at
kailangan nitong maunawaan na ikaw ang lider.
Sa isang kawan ng mga lobo, pinipili
ng lider ang pinakakomportable at pinakamataas na lugar na matutulugan.
Nauuna rin itong kumain sa iba. Kaya kung pinahihintulutan mong matulog
ang iyong aso sa iyong kama o umakyat sa ibabaw ng muwebles, baka isipin
nitong siya ang lider. Gayundin ang maaaring mangyari kung binibigyan
ito ng paunti-unting pagkain mula sa mesa habang kumakain ka.
Kahit tuta pa lamang, matututuhan na
ng iyong aso na nakabababa ito sa iyo. Paano? Subuking titigan ito sa
mata hanggang sa ibaling nito ang tingin sa iba. Isa pa, ang paghimas sa
tiyan ng aso samantalang nakatihaya ito ay isang mabuting pagsasanay,
yamang ito ay naglalagay sa kaniya sa mapagpasakop na posisyon. Kung
gumagawa ng nakayayamot na bagay ang iyong aso at ayaw nitong huminto
kapag sinabi mong “No (Huwag),” subukin itong ipagwalang-bahala o iwan.
Kapag tumutugon sa iyong mga utos
ang aso, kinikilala na nitong ikaw ang nangangasiwa. Kung ikaw na
may-ari ay hindi magtatatag ng iyong posisyon bilang lider, baka isipin
ng iyong alaga na kapantay mo siya o nakatataas ito sa iyo, at maaari
itong makaapekto sa kaniyang paggawi.
Kung Paano Ituturo ang Simpleng mga Utos
Upang maituro sa iyong aso na
sundin ang kinakailangang mga utos, kakailanganin mo ng isang kulyar,
tali, at mahabang pasensiya. Inirerekomenda ng isang manwal sa
pagsasanay ang sumusunod: (1) Magbigay ng simple at isang salitang
pautos, (2) ipakita ang inaasahang gagawin nito, at (3) agad itong
papurihan kapag nagawa nito ang ipinagagawa mo. Mas mahalaga ang tono ng
iyong boses kaysa sa mga salitang gagamitin mo. Kung mag-uutos ka, dapat na mariin ang tono ng iyong boses, at kung magbibigay ka ng papuri, dapat na masaya at magiliw naman ito.
Hindi kinakailangan ang pisikal na pagpaparusa, tulad ng pagpalo o pagsipa. “Basta mariin kong sinasabi na ‘No,’ anupat
binibigkas ito nang mahaba, upang malaman ng aso na hindi ako
nasisiyahan sa ginawa nito,” ang sabi ni Marcos, ang tagapagsanay na
sinipi sa pasimula. Sinabi pa niya, “Kayang unawain ng aso kung ikaw ay
nagbibigay ng gantimpala at kung ikaw ay sumasaway.”
Kung mas matindi pa ang kinakailangan, maaari mong sunggaban ang batok ng aso at yugyugin ito nang bahagya habang sinasabing “No.” Ang
mga pagsaway ay dapat gawin habang gumagawi nang di-kanais-nais ang aso
o kaagad-agad pagkatapos nito. Tandaan, hindi mauunawaan ng aso kung
bakit ito pinagagalitan kung pagagalitan ito pagkalipas pa ng ilang
minuto o oras matapos nitong gawin ang isang bagay. Hindi rin nito
maiintindihan kung bakit ang isang pagkilos ay kaayaaya sa isang
pagkakataon ngunit hindi kaayaaya sa ibang pagkakataon. Kaya huwag
maging pabagu-bago.
Ang pinakapangunahin sa lahat na kinakailangang matutuhang sundin ay ang utos na “Sit (Upo)!”
Kung naiintindihan ng iyong aso ang utos na ito, makokontrol mo ito
kapag masyado itong malikot. Halimbawa, maaari mong utusan ang iyong aso
na maupo kapag sinimulan nitong dambahin ang iyong mga bisita. Upang
turuang maupo ang iyong aso, ilagay ang tali nito, at sabihin ang utos
habang itinutulak pababa ang puwitan nito at marahang hinihila pataas
ang ulo nito sa pamamagitan ng tali. Papurihan ito kaagad. Ulitin ang
mga hakbang na ito hanggang sa sundin ng aso ang utos nang mag-isa.
Upang turuan ang iyong aso na manatiling nakaupo, sabihin ang utos na “Stay (Manatili)!”
samantalang nakatayo ka sa harapan nito at nakaunat ang iyong kamay na
ang palad mo ay nakaharap sa aso. Kapag gumalaw ang aso, sabihin mong “No” at
ibalik mo siya sa pagkakaupo. Ulitin ang utos, at papurihan ang iyong
aso kapag nanatili itong nakaupo sa sandaling panahon. Unti-unting
patagalin ang panahon ng pagkakaupo nito at lumayo nang unti-unti sa
iyong aso habang sinusunod nito ang utos mo.
Ang pinakamabisang paraan upang
turuang lumapit sa iyo ang isang aso ay gumamit ng mahabang tali at
marahang hatakin ito habang tinatawag ang pangalan ng iyong aso at
binibigkas ang utos na “Come (Lapit)!” Umatras habang lumalapit
sa iyo ang aso, at patuloy itong papurihan. Di-magtatagal ay tutugon na
ito sa iyong tawag kahit walang tali. Kung makawala ang iyong aso at
hindi tumugon sa utos na “Come!,” tawagin ito at tumakbong palayo. Kadalasan, likas na hahabol sa iyo ang aso.
Mag-ingat: Huwag kailanman gamitin ang salitang “come” para sa negatibong dahilan, gaya kapag sumasaway. Dapat matututuhan ng iyong aso na ang pagtugon sa utos na “Come” ay
magdudulot ng kasiya-siyang mga resulta, ng papuri o kaya ng pagkain.
Kapag hindi ka nagpasensiya habang itinuturo ang utos na ito,
matututuhan ng iyong aso na ang paglapit sa iyo ay di-kaayaaya at dapat
iwasan.
Matuturuan mo rin ang iyong aso na
lumakad na kasabay mo, hindi nauuna sa iyo o nahuhuli. Upang magawa ito,
gumamit ng isang de-tanikalang kulyar na pansanay at isang maikling
tali. Ipuwesto ang aso sa iyong kaliwa, sabihin ang utos na “Heel (Lakad)!”
at humakbang na una ang kaliwang paa. Kung susubukin ng iyong aso na
mauna o magpahuli, sandaling baltakin ang tali at ulitin ang utos.
Papurihan ito kapag sumunod.
Paano mo sasawayin ang iyong aso sa pagdamba sa iyo? Ang isang paraan ay umatras habang binibigkas ang utos na “Off (Alis)!” kasunod ng “Sit!” Ang isa pang paraan ay saluhin ang magkabilang unahang paa nito at humakbang nang palapit sa aso, na inuulit ang utos na “Off!” Papurihan ito kapag sumunod.
Isang Matapat na Kasama
Tandaan, ang aso ay isang hayop na
mahilig makihalubilo. Ang mahahabang panahong pagkukulong dito ay
maaaring umakay sa pagiging di-mapakali, labis-labis na pagtahol, at
nakapipinsalang paggawi. Sa pamamagitan ng pagsasanay, ang iyong aso ay
maaaring maging kasiya-siya at matapat na kasama —sa halip na maging nakayayamot.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]
Mga Mungkahi sa Pagsasanay sa Aso
1. Huwag maging pabagu-bago sa mga salitang gagamitin mo sa pag-uutos.
2. Gustong
marinig ng mga aso ang kanilang pangalan, at nakatatawag ito ng kanilang
pansin. Kaya gamitin ang pangalan ng iyong aso kasunod ng mga
pag-uutos. (“Rover, sit!”) Ngunit huwag mong gamitin ang pangalan ng iyong aso kaugnay ng isang saway, tulad ng “No!” Dapat matutuhan ng iyong aso na ang pagtugon sa pagtawag sa pangalan nito ay nagdudulot ng positibo —hindi negatibo —na mga resulta.
3. Madalas na papurihan ito bilang gantimpala. Maraming aso ang gagawa nang higit alang-alang sa pagmamahal kaysa sa pagkain.
4. Panatilihing maikli at kasiya-siya ang mga sesyon sa pagsasanay.
5. Huwag
pasiglahin nang di-sinasadya ang negatibong paggawi sa pamamagitan ng
labis na pag-uukol ng pansin sa iyong aso kapag gumawi ito nang masama.
Uulitin lamang nito ang di-kanais-nais na paggawi.
[Mga larawan]
Papurihan
“Rover, ‘sit!’”
[Credit Line]
Iniangkop mula sa Never, Never Hit Your Dog at American Dog Trainers Network.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Turuan ang Iyong Tuta na Dumumi sa Labas ng Bahay
Maaaring turuan ang tuta na dumumi sa labas ng bahay kapag anim hanggang walong linggo na ang edad nito. Ayon sa Dog Training Basics, ang
mga susi para magtagumpay sa pagtuturo na dumumi sa labas ng bahay ay
pagkukulong, pagsasanay, tamang panahon, at pagpuri. Karaniwan nang ayaw
ng aso na dumhan ang tinutulugan nito. Kung gayon, panatilihing
nakakulong ang iyong tuta kapag hindi nababantayan. Alamin kung kailan
ito dumudumi, at ituro rito kung saan ito dudumi. Agad itong hilahing
palabas (sa pamamagitan ng tali nito) tungo sa lugar na pagdudumhan
pagkagising nito, pagkakain, pagkatapos ng sesyon sa paglalaro, o bago
matulog. Papurihan ito habang dumudumi. Baka gusto mo itong turuan ng
isang salita na maghuhudyat na dapat na itong dumumi sa lugar na
kinaroroonan nito.
Kapag hindi nakakulong ang iyong
tuta, maging alisto sa mga tanda na kailangan na itong dumumi, tulad ng
biglang paghinto habang naglalaro, pag-ikot-ikot at pag-amuy-amoy, at
pagtakbo palabas ng silid. Kung mahuli mo ang iyong tuta na dumudumi sa
loob ng bahay, pagalitan ito, at ilabas ito kaagad.*
Muli, magiging walang saysay kung gagawin mo ang pagtutuwid pagkalipas
ng mahaba-habang panahon matapos niya itong gawin. Linisin ang mga lugar
na dinumhan nito gamit ang tubig na may suka upang matanggal ang amoy;
dahil kung hindi, patuloy na dudumi ang aso sa lugar na iyon.
[Talababa]
Ang pag-ihi sa
panahon ng masayang batian ay di-kinukusa at likas lamang na paggawi ng
mga aso. Kung minsan ay tinatawag itong pag-ihi bilang tanda ng
pagpapasakop, na nangangahulugang kinikilala ng aso na ikaw ang lider, o
nangunguna. Ang pagsaway sa iyong aso sa ganitong situwasyon ay baka
magpalala lamang sa problema, dahil maaari itong maging sanhi ng higit
na pag-ihi upang lalong ipakita na minamalas ka niya bilang isang
nangangasiwa. Karaniwan na, ang paggawing ito ay humihinto kapag umabot
na nang dalawang taon ang aso.
No comments:
Post a Comment